Thursday, February 26, 2009

Homily by Abp. Antonio J. Ledesma for Ash Wednesday with the Farmers

Ngayong Ash Wednesday habang naglalagay ng krus sa noo ng mga Kristiyano sinasabi ng pari na "Alalahanin mo, Ikaw ay galing sa abo, at sa abo ka rin babalik”.

Pwede nating baguhin ito ng konti para iangkop sa ating tema ng ating pakikibaka para sa lupang sinasaka: Alalahanin natin. Tayo ay nanggaling sa lupa. At sa lupa rin tayo babalik.

Pero higit pa rito, para sa magsasaka, ang lupa ay isang mahalagang batayan rin ng ating buhay at kabuhayan. Kaya naman handa tayong magpakasakit sa patuloy na pagkilos para mabigyan tayo ng katarungan at makamtan natin ang katiyakan sa pag-aari ng ating lupang sinasaka.

Ang pangalawang mensahe ay tungkol sa pagpapakasakit. Ang Ash Wednesday ay simula ng Kuwaresma, 40 araw ng pagninilay natin at pakikiisa sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus na nagtatapos naman sa Kaniyang pagkabuhay na mag-uli.

Ang 40 ay simbolo sa Bibliya ng "napakahabang panahon." Yong 40 araw at 40 gabi ng ulan o pag-aayuno rin ni Kristo ay hindi literal na 40 araw, kundi ibig sabihin lang ay "mahabang panahon."

Kaya talagang angkop sa ating pagtitipon ngayon ang simbolo ng 40. Talagang napakahabang panahon na ng pakikibaka ng magsasaka para sa lupa at katarungan. At talagang dapat handa tayo sa mahabang pakikibaka. Alam rin nating marami nang buhay ang nabuhos sa pakikibakang ito at habang hindi umaayos ang agraryong reporma, marami pang buhay ang mabubuwis.

Ngunit manalig rin tayo at panatilihin nating buhay ang ating pag-asa na tulad ni Kristo, ang ating paghihirap ay may hangganang magtatapos sa muling pagkabuhay.

Ang pakikiisa ng Simbahan sa mga magsasaka ang isang batayan ng ating pag-asa na babasbasan ng Panginoon ang ating pagsisikap at paghihirap. Sa araw na ito, pagtibayin natin ang ating pagkakaisa at sikapin nating isulong ang ating pagkilos tungo sa ating minimithing katarungan ayon sa kalooban ng Diyos.

No comments:

Post a Comment