Thursday, February 26, 2009

Panaghoy ng mga Magsasaka

24 Pebrero 2009

Panaghoy ng mga Magsasaka
Pinakikinggan ng Diyos ang Panaghoy ng mga Dukha
God Hears the Cries of the Poor
(cf. Exodus 3, 7-9)


Minamahal naming mga kababayan at kapatid sa pananampalataya,

Kami ay mahigit na isang libong magsasaka mula sa iba’t-ibang lalawigan ng Mindanao, Visayas at Luzon na narito ngayon upang ihinga sa mga namumuno sa atin ang aming mga problema sa lupa, kapayapaan sa kanayunan, at karapatan sa pagkain.

Ginawa na namin ang lahat ng aming makakaya upang ipatupad at patuloy
na itaguyod ang Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reform (CARPER). Naglakad kami, nakipagdayalogo, nagkampo at noong Disyembre 2008
nag-hunger strike kami sa Department of Agrarian Reform (DAR) at sa Kongreso para pansinin ang aming panaghoy ng mga kongresista. Ngunit maliban sa tatlo sa kanila, walang sinuman sa amin ang pumansin at nakinig.

Sa halip, ipinasa nila ang isang walang kakuwenta-kuwentang Joint Resolution 19. Ang Joint Resolution (JR) 19 ay naglalaan ng anim (6) na buwang extension sa CARP subalit ang pamamahagi ng lupa ay boluntaryo at hindi maipipilit sa maylupa. Sa kasalukuyan, may humigit kumulang na 1.3M ektarya pa ng pribadong lupain ang hindi pa nasasakop ng repormang pang-agraryo kaya kung boluntaryo ang pamamahagi hindi na kailanman maipapamahagi pa ang mga lupaing ito sa mga magsasaka. Ito ay taliwas sa tunay na diwa ng repormang pang-agraryo. Kamakailan po lamang ay ipinasa na naman ang isang mapaniil na batas sa Committee on Constitutional Amendments ng mga kongresista. Ito ang HR 737 na nagbibigay ng ganap na karapatan sa mga dayuhan na makapag-ari ng mga lupaing sakahan. Ang ibig sabihin nito kapag ang dayuhan ang may-ari ng ating mga taniman at sakahan, manganganib ang seguridad ng ating pagkain at kaunlaran.

Kaya ang panaghoy ng magsasaka ay panawagan nating lahat. Katulad ng JR 19, ito ay isa na namang paglabag sa ating Konstitusyon at isang mariing sampal sa aming mga maralitang magsasaka. Wala po itong saysay at hindi po ito ang kailangan namin.

Sa panahon ng mapayapang pagpepetisyon ng mga magsasaka para sa CARP mula 2001-2002, may 483 kasong paglabag sa karapatang pantao na nai-dokumento. Mayroong 19,800 na mga magsasaka na nabiktima ng iba’t ibang anyo ng karahasang pantao. May 48 na magsasaka ang pinatay ng mga pinaghihinalaang mga tauhan ng mga panginoong maylupa at mga armadong grupo.

Nagpapasalamat kami sa mga obispo, pari at relihiyoso sampu ng mga layko na sumang-ayon sa amin at umagapay sa lahat ng aming mga lakarin, nag-hunger strike, nanawagan ng suporta, nakipagdayalogo sa kinauukulan, kumupkop, nag-aruga at nagpakain sa amin, at naglaan ng aming masisilungan.

Kami ay nananawagan sa Presidente Gloria Macapagal Arroyo na:

1. Ipagwalang bisa ang Joint Resolution 19 at HB 737.
2. Isusog ang muling pagpapairal sa HB 4077 bilang Batas Pang-Agraryo.
3. Mabilis na paglilitis at pagbibigay ng katarungan sa mga kaso ng paglabag sa katarungang pantao at pagbibigay proteksiyon sa tuloy-tuloy na reporma sa lupa.

Kaya po, mga kapatid sa pananampalataya ang aming pag-asa ay nasa inyong suporta at pagtulong. Harinawa, damayan po ninyo kami at tulungan sa aming mga pangangailangan tulad ng bigas, tubig, pagkain, kumot, tsinelas at gamot habang kami ay patuloy sa aming pananawagan. Kami po ay inyong puntahan sa Caritas at handa po kaming magbahagi ng aming mga karanasan at buhay sa diwa ng Semana Santa.

Sa ika-3 ng Marso 2009, iniimbitahan po namin kayo sa isang misa na
gaganapin sa UST at isang lakaran ng pagrorosaryo mula sa UST hanggang Mendiola upang ipahatid sa Presidente Gloria Macapagal-Arroyo ang mga panawagang ito. Sa atin pong lakaran, ang bawa’t dekada ng rosaryo ay may panalangin ng iba’t-ibang sektor sapagkat ang lahat ng ating kasalukuyang problema ay magkakaugnay. Naniniwala po kami at nananampalataya na ang Poong Diyos Nating Mahal ang magpupuno ng aming mga kahinaan, kasalatan at mga kakulangan.

“Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may maapagmataas na balak, pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga bale wala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang wala ang mayayaman. Nilingap niya ang bayan na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno… magpakailanman.” (Lucas 1: 51-55)


DUTA PARA SA MANGUNGUMA
(LUPA PARA SA MAGSASAKA)

ANG SA INYO’Y UMAASA,

JOSE RODITO ANGELES
Task Force Mapalad

ENRIQUE TAYO
Negros Federation of Farmers Association
(NOFFA) / UNORKA-Pilipinas

No comments:

Post a Comment